Isang di pangkaraniwang eksena ang naganap sa pagdiriwang ng Pista ng Santa Ana sa Gen. A. Luna St., Tuktukan, Taguig City. 


Sa kasagsagan ng Pagoda sa Daan, napansin ng Team Taguigeño ang isang larawang ipinost ng I Love Taguig page na nagpapakita ng isang lalaking basang-basa at puno ng bula mula ulo hanggang mga hita.


Ang lalaking ito ay napag-alamang si Rafael Dacumos, isang residente ng Barangay Santa Ana. Ayon sa kanyang anak na si Sabrhea, si Tatay Rafael ay taga-Taguig na mula pagkasilang. Taun-taon, aktibo siyang nakikibahagi sa Pista ng Poong Santa Ana, isang tradisyon na malapit sa kanyang puso.


"Galing po siya sa trabaho (ng araw na iyon). Construction worker posi papa. Pero taon-taon po tuwing fiesta ng banak nakaugalian na po namin ni papa na sumama sa prosesyon at sumalo ng mga hinahagis na pagkain," ibinahagi sa amin ni Sabrhea.

Larawan mula kay Arlene

Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagpaulan ng bula ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa nasabing daan ng hapong iyon. Sa kabila ng kanyang edad, si Tatay Rafael ay buong kasiyahang nakiisa sa kasiyahan, bagay na nagpamangha at nagbigay-inspirasyon sa marami.

"Bukod po sa may maiuuwing pagkain si papa masaya makilahok sa ganitong tradisyon kahit po pagod sa trabaho," dagdag pa ni Sabrhea sa team Taguigeño.



Dahil sa kanyang kwento at walang patid na suporta sa taunang pista, napagpasyahan ng Team Taguigeño na magbigay ng munting tulong kay Tatay Rafael bilang pagkilala sa kanyang nakaka-inspire na buhay. Ang kanyang dedikasyon at pagmamahal sa tradisyon ng kanilang komunidad ay tunay na kahanga-hanga.

Larawan mula kay Sabrhea

Sa pamamagitan ng kwento ni Tatay Rafael, naipapakita ang diwa ng pagkakaisa at pagmamahalan sa komunidad ng Taguig. Ang kanyang buhay at dedikasyon ay patunay ng kahalagahan ng kultura at tradisyon sa bawat mamamayan ng lungsod.

Ang Pista ng Santa Ana, na kilala rin bilang Taguig River Festival, ay isang mahalagang pagdiriwang sa Taguig na nagtitipon ng mga residente upang magdiwang at magpasalamat sa mga biyayang natamo. Ang paglahok ni Tatay Rafael ay sumasalamin sa masiglang diwa ng komunidad at ang patuloy na pag-alala sa mga tradisyon na nagbibigay-buhay sa kultura ng Taguig.


ALSO IN TAGUIG


IMPORTANT NOTE: ang Taguigeño blog ay hindi konektado sa anumang account ng Taguig City government. Ito ay nabuo upang maghatid ng napapanahong balita at impormasyon para sa lahat ng Taguigeño.

Post a Comment